Heart · Thought Catalog

Akala ko kasi okay na ako.

Hindi na naalala ang masasakit na nakaraan.

Hindi na umiiyak kasabay ang paglalim ng gabi.

Hindi na nakikita sa panaginip ang iyong mukha.

 

Akala ko tapos na, hindi pa pala.

Dahil heto ka at bumabalik.

Umiiyak at nagmamakaawa.

Sinasambit ang mga salitang,

“Pwede bang ako na lang ulit?”

 

Pero pasensya ka na at ayoko nang maulit.

Ang ikaw, ako, ang dating tayo.

Napagod na ang puso,

nahirapan na ako masyado.

Patawad, pero huwag ka na sana bumalik.

 

‘Wag na nating ulitin ang lahat.

Malaya ka na, palayain mo na rin sana ako.

Kalimutan na natin ang lahat.

Paalam, ikaw na minahal ko nang sobra.

Advertisements
Thought Catalog

100 Words: Entry 05

Nakakapagod. Nakakabingi. Pinipilit mong manatili, ngunit palaging kulang. Lihim na umiiyak dahil sa sakit, sugat at mga salitang “Hindi ka sapat.” Mapapatanong ka na lang kung minsan, “hanggang kailan?” Pakiramdam mo’y hindi mo na kakayanin ang iba pang parating. Hindi mo na kakayanin ang lumuha pang muli, ang magtiis. Naniniwala akong kaya mo pa rin ang lumaban, ang magsimula ulit, ang manatiling nakatindig. Kaya ‘wag kang bibitaw ha, kaya mo yan. Hindi dapat sinusukuan ang mga bagay na pansamantala lamang. Masakit pa sa ngayon, pero lilipas din yan. Palaging may bahaghari pagkalipas ng bagyo. Lilipas din ang sarili mong bagyo.

Thought Catalog

100 Words: Entry 04

Anim na taon, ganyang katagal na panahon ako sayo humahanga. Gumawa ng paraan para mapansin o kaya mabaling sa akin ang iyong tingin, sundan ka kung saan ka pupunta, kilalanin ang mga madalas mong kasama. Masugid mo akong taga-hanga. ‘Di ko akalaing posible palang tumagal ang pagkagusto ko sayo. Salamat sa ligayang dulot mo, sa mga araw na nasasagi ka sa isip ko na nagiging dahilan ng biglang pag-ngiti. Masaya ako dahil ikaw ang may pinakamalaki ang ambag na kilig sa buhay ko. ‘Di ko alam kung kailan kita makikita ulit, pero sana maalala mo pa rin ako. Ingat lagi.

Thought Catalog

Ganito kita kayang mahalin.

Sa mga salita,
Sa mga talata,
Sa tingin,
Sa pagmamasid.

Ganito kita kayang mahalin.

Sa panalangin ko tuwing gabi,
Sa panaginip,
Sa ilusyon,
Sa aking pangarap.

Ganito kita kayang mahalin.

Sa pagpikit ng aking mga mata
kapag may kasama kang iba.
Sa pagbibilang ng taon,
kung hanggang kailan ako aasa.

At hindi mo ako kayang mahalin.

Dahil hindi ako ang laman ng iyong mga salita.
Hindi ako bahagi ng iyong talata.
Hindi ka sa akin nakatingin,
dahil sa iba ka nakamasid.

Hindi mo ako kayang mahalin.

Hindi ako ang laman ng iyong panalangin.
Kahit sa panaginip ay siya pa rin.
Ang ilusyon mo’y kanya pa rin.
At ang mga pangarap mo ay para sa kanya pa rin.

Hindi mo ako kayang mahalin.

Dahil sa kanya nakatuon ang iyong atensyon.
Siya na ayaw mong may kasamang iba.
Siya na kasama mong magbibilang ng mga taon,
kung gaano kayo katagal na magsasama.

Pero ganito kita kayang mahalin.

Sa paalam.
Sa pagbitaw.
Maging masaya ka sana.
Pinapalaya na kita.

Thought Catalog

100 Words: Entry 03

Minsan parang gusto mo lang ihinto kahit saglit ang pag-ikot ng mundo. Kasi nakakaramdam ka ng pagod. Pagod na magmahal, masaktan, magpatawad, magkunwari. Pagod maging isang anak, kapatid, magulang, kaibigan, o kahit maging isang normal na mamamayan lang. Hindi ako nagrereklamo ha, pero gusto ko lang sabihin na sana maintindihan nila ang nararamdaman ko. Sana maisip nila kung okay lang ba talaga ako, kung kaya ko pa ba. Mahirap kasi lumaban mag-isa. Pero mas mahirap kung yung mga taong pinagkukunan mo ng lakas ay siya pang nagiging hadlang para di ka makausad sa mga pangarap mo. Nakakapagod ang maging mahina.

Thought Catalog

Minsan nagawi ako sa isang pasugalan,
aking pinanood ang mga taong naroroon.
Inusisa ang kanilang mga ginagawa,
Inisa isa ang bawat mukha.
Nagmatyag ako,
nakinig sa kanilang ingay.
Di ko inaasahang dito ay magulo,
magulo pala ang mundong ito.

Napatanong ako sa isa sa mga nanonood,
“Bakit dito sa lugar na ito, hindi lahat nananalo?”
“Dahil ang mundo ay hindi patas kung maglaro.
Hindi ka mananalo kung hindi ka handang magpatalo.”
Sabi niya.
“Eh kung naririto ka, bakit hindi ka pa tumataya?”
“Dahil ayokong itaya kung ano ang meron ako,
dito larong puno lamang ng pagbabaka-sakali.”


  • – Pagsugal // 25th of March 2017
Thought Catalog

100 Words.

Isang daang mga salita. Susubukan kong sumulat at ilathala sa pamamagitang ng maikling talata. Aking ipapahayag ang mga pinakatatagu-tagong damdamin at lihim, ang mga kwento sa bawat saya, tawa, lungkot, galit at hagulgol. Maging ang mga pangyayaring hindi ko nanaising makalimutan o mga taong naging malaki ang parte sa bawat araw na dadaan. Pipiliting hindi magkaroon ng labis o ng kulang, sa halip ito’y magiging sakto lamang. Alam kong hindi magiging madali, kakailanganin ng pangmatagalang pag-eensayo. Kakailanganing mag-aral upang makahanap ng mga salitang magiging angkop sa bawat talata na aking ililikha. Kailangan ko maglaan ng oras para sa aking sarili.